Linggo, Mayo 20, 2012

Huling Paglisan ♥

Wagas kong pagmamahal, inialay ko
Sa lalaking animo’y nagbalat-kayo.
Lubos ang aking kalinga’t pag-unawa,
Na siyang sanhi ng hapdi at mga luha.

Sa pagdaan ng panaho’y walang sigla,
Kahit sa ibang bagay, ligaw at lanta.
Ibalik ang dating ako, sigaw nila.
Maging aking sarili’y na’san na nga ba?

Ngayo’y heto ako’t muling bumabangon,
Mula sa pagkawasak, maging pag-ahon.
Taong nagsilipas at aking natamo
Mga natutunan mula sa pagkabigo.

Ngunit ano ba itong nakikita ko?
Hangad na naman ba’y pansin at pagsuyo?
Kung pag-aalayang muli, sasaya ba?
O dahilan ulit ng muling pangamba?

Heto, sinubukang muling magtiwala.
May takot man, ako pari’y naniwala
Sa matatamis n’yang mga salita sa’kin,
At kung anu-anong pangako’y inangkin.

Binigyan ko ulit ng pagkakataon
Upang ako na’y hilumin ng panahon.
Sa kanya, hinayaan kong muling buksan,
Puso kong nasugatan ng nakaraan.

Ako’y nahirapan sa pagpapakita
Upang damdamin ko’y hindi mahalata.
Hanggang ngayo’y takot paring magtiwala
Na baka ang pag-asa’y biglang mawala.

Sadya ko siyang minahal sa’king kaya,
Ngunit hangad ay higit, ano pa kaya?
Ako’y hindi maintindihan, bakit ba?
Pilit nagpapaliwanag, ano ka ba?

Unang paglisa’y hindi maintindihan.
Ano nga bang aming pinagdaraanan?
“Ikaw ang dahilan”, kanyang paliwanag,
At patak ng luha’y aking naaninag.

Kami’y muling nagkaayos at bumalik,
At para bang sa isa’t-isa’y nanabik.
Ngunit heto, isang problema’y dumating,
Hiwalayan ulit ba ang sasambitin?

Sa pagpapakatanga’y muling lumapit,
At ako’y humiling na siya’y kumapit.
Pangako ko sa kanya’y walang kapalit,
Kung hindi bibitaw at maging mabait.

O hirang, ako’y paniwalaan,
Sambit ng aking labi’y may nilalaman.
Pandinig sa kanila’y h’wag mong buksan,
Kung ayaw mong waksan ang pagmamahalan.

Ngunit pinili ng iyong kalooban
Na ako’y huwag dinggin at nang pagsarhan,
Iyong tiwala’y nawala nang tuluyan.
Maging ang iyong pangakong, “Walang Hanggan”.

Sa pangatlong beses ng iyong paglisan,
Hangad ko na bukas ang iyong isipan.
Sa pagdesisyon ng muling pagwawakas,
Mukhang hindi nga ito ang ating landas.

Umiibig pa’y dapat nang pakawalan,
Upang hindi maibalik ang nagdaan.
Kung saan ako’y lumuha’t nahirapan
Sa mga taong hindi alam ang tunay kong kahalagahan.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento